via Samantha De Castro
Isa ang Pilipinas sa mga bansang nakapagtala ng bultuhang kaso ng rabies. Nakababahala ang mga naiiulat na namatay dahil dito. Sa kabila ng pagdami ng kaso, ay libreng bakuna ang hatid ng gobyerno sa mga ospital para sa mamamayang Pilipino.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), 124 ang naitalang “human rabies cases” kung saan mababa ito ng 32% kumpara sa naitalang 183 kaso noong nakaraang taon.
Inilalarawan ang rabies bilang isang virus na nakukuha sa mga hayop kagaya ng aso at pusa sa pamamagitan ng pagkagat o pagkalmot, basta ay may naipasang laway sa tao.
Sa artikulong inilathala ng ABS-CBN News, ang kaso ng rabies sa bansa ay patuloy ang pagbaba. Kamakailan, nag-viral ang isang lalaking nagwala sa ospital matapos umanong isugod dahil mahigit isang linggo ng taglay ang rabies sa katawan. Dagdag pa rito, mahigit 21 na kaso ang naitala sa Central Luzon na may “human rabies cases.”
Ayon sa Center for Disease and Control (CDC), ilan sa mga sintomas ng rabies ay nagsisimula sa lagnat, pananakit ng ulo, pagkapagod, panghihina at pagsusuka. Kung patuloy na hindi maagapan, maaaring magpakita na ng senyales ng pagiging isang aso kagaya ng paglalaway at pagkatakot sa tubig. Maaari ding makaranas ng pagkalito, hallucinations at insomnia. Sa mga malalang kaso, maaaring makaranas ng ‘encephalitis’ o pamamaga ng utak dahil sa patuloy na pag-atake ng virus sa katawan.
“If you are bitten or scratched by your pet dogs or cats and are concerned about rabies, vaccination is free at government hospitals,” Palace Press Officer Claire Castro said in a press briefing on Tuesday.
Sa gitna ng mga taong namatay dahil sa rabies, isinulong ng DOH ang pagbibigay ng libreng bakuna sa mga pampublikong ospital. Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang rabies ay nanatili pa ring health concern kaya’t hinihikayat ang mga taong nakagat o nakalmot ng mga alagang pusa at aso na magpabakuna sa malapit na ospital. Kung sakali mang sa pribadong ospital magpapabakuna, maaaring kumuha ng “rabies treatment package” upang mabawasan ang gastusin.
Patuloy na pinag-iingat ang publiko sa rabies na makukuha sa mga aso o pusang kontaminado ng nasabing virus. Kung sakaling makagat o makalmot, agad na magpabakuna upang masiguro ang kaligtasan laban sa virus, gayundin ang mga alagang hayop.
Laway ng kapahamakan sa pagbabakuna ay maiiwasan.