Upang patibayin ang pambansang depensa at mga operasyong panseguridad ng Pilipinas, nagbukas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Northern Luzon Command ng bagong forward operating base (FOB) sa Luzon Strait, 120-milya sa timog ng Taiwan nitong Agosto 28.
Matatagpuan ang FOB sa Mahatao, isa sa mga maliliit na isla ng probinsiya ng Batanes, ang pinakahilagang bahagi ng bansa at inilalarawan bilang pinakamalaking military development sa lugar hanggang sa ngayon.
Ayon sa Northern Luzon Command, magsisilbi ang pasilidad para sa pambansang depensa, pagbabantay sa karagatan, at mga operasyong humanitarian at pangsakuna.
Kaugnay nito, iginiit ng mga opisyal ng militar ang pangangailangang maging handa sa mga posibleng banta sa rehiyon.
Noong Abril, inatasan ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang mga tropa sa rehiyan na maghanda sakaling magkaroon ng pagsalakay sa Taiwan at sinabi na ang Pilipinas ay hindi maiiwasang madadamay dahil sa heograpikal nitong lokasyon.
Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang parehong pananaw, na nagsabing ang anumang giyera sa Taiwan ay “hihilahin ang Pilipinas ng ayaw man o hindi” sa hidwaan, dahil sa lapit ng bansa sa Taiwan Strait.