Sa lilim ng social media may batang nakapanood ng mga inaapi,
mga iyak ng musmos, walang tigil na giyera at kulog!
Ngunit kung babasahin ang mga komento, tila wala talaga tayong pake,
nakalingon sa dilim, ang bata ay nais gumising ng mga pusong natutulog.
Isang batang Pilipino’y lumapit sa kanlungan ng kaniyang ina,
“Sa Gaza po, mama, maraming batang tulad ko ang namamatay,”
ngunit sagot ay malamig, kay bigat isipin para sa bata,
“Hindi na natin iyan suliranin, huwag nang makisabay."
Hindi ba’t tayo rin ay minsang pinaranas ng gutom at binihag?
Pinaulanan tayo ng bomba't binihag sa sariling lupain,
ngunit ngayo’y pipi, tila hindi naranasang kumain ng pagpag,
habang sila’y tinatabunan ng bakal sa hangin.
Sa bawat tinapay na sa daan hinaharang,
kasabay ang sigaw na sa mundo'y 'di makarating.
Sa bawat batang ni hindi na mamukhaan,
may mga taong walang lakas na ipabatid ang kanilang mga hinaing.
At kung ikukumpara kung sino ang tunay na kalaban at kawawa?
Yaong mga Palestinong walang dome na sila ay proprotektahan,
habang tayong lahat ay nagbubulag-bulagan, nakatikom ang diwa,
na wari’y ‘di rin sugatan ng sariling kay pait na kasaysayan.