Nauwi sa karahasan ang protestang “Baha sa Luneta” na layong kundenahin ang umano’y katiwalian sa mga flood control project matapos makipagsagupaan ang ilang maskaradong kabataan sa mga pulis sa Ayala Bridge at Mendiola noong Setyembre 21.
Ayon sa mga ulat, humigit-kumulang 400 katao ang kabilang sa grupong nagtungo sa “Baha sa Luneta” rally sa Rizal Park at may bahagi ng mga ito na nagsuot ng itim at nagtakbuhan patungo sa Ayala Bridge, na kalaunan ay nauwi sa tensiyon.
Nagsimulang pagbabatuhin ng mga bato, bote, at metal ang harang ng mga pulis at gumamit din ang ilan ng Molotov cocktail at sinunog ang isang trak na nakaparada malapit sa tulay.
Matapos ang insidente, muling nagtipon ang grupo sa Mendiola Peace Arch at sumiklab muli ang kaguluhan nang gumamit sila ng mga paputok at projectiles laban sa kapulisan na tinugunan naman agad ng mga pulis gamit ang tear gas, water cannon, at isang long-range acoustic device.
Umabot sa tinatayang 100 pulis ang nagtamo ng sugat sa kaguluhan, habang 19 indibidwal naman ang naaresto, kabilang dito ang ilang menor de edad, at ayon sa pulisya, ang pinakabata ay 11 taong gulang lamang.
Ayon kay Renato Reyes, pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nasugatan din siya matapos tamaan ng bato sa ulo habang paalis sa lugar ng protesta.
“Natapos na ang programa ng Bayan at paalis na kami nang biglang magkaroon ng gulo. May mga nagbabatuhan ng bato at tinamaan ako sa ulo. Ang mga naiwan sa Mendiola ay galit na galit, dala ng mga taong pinipigilang emosyon sa loob ng maraming taon,” ani Reyes.
Dagdag pa rito, bumisita sa lugar si Interior Secretary Jonvic Remulla at iginiit na mahalaga ang kalayaan sa pamamahayag at mapayapang pagtitipon, ngunit hindi dapat nauuwi sa karahasan ang mga ganitong kilos-protesta.
“Pabor kami sa pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno, pero tutol pa rin kami sa kaguluhan at kawalan ng katatagan,” ayon kay Remulla.
Nanindigan naman ang Philippine National Police (PNP) na iginagalang nila ang karapatan ng mamamayan na magprotesta ngunit nanawagan sila na huwag hayaang masapawan ng kaguluhan ang pangunahing layunin ng rally, lalo na’t ang isyu ng katiwalian sa flood control projects ang dapat na sentro ng diskusyon.