via Nick Edriel Mercado | Pressroom PH
Boses mo, boses ko, boses ng yumaong tao, at boses ng nangangailangan. Sino ang orihinal? Sino ang kopyador?
Gustuhin man natin o hindi, ang reyalidad sa kasalukuyang panahon ay unti-unting nagbabago. Naging sentro ng komunikasyon at mga imbensyon ng teknolohiya, lalong lalo na ang artipisyal na inteligencia o AI. Mula sa mga utos sa paggawa ng sulatin, at larawan—hanggang sa paggawa ng mga bagay na pareho sa mga tao. Ngunit ang pinaka-tanyag sa lahat ay ang mga makabagong teknolohiyang sa tulong ng AI ay nagiging posible. Isa na rito ang voice cloning.
Isang makabagong teknolohiya na gumagamit ng AI ang voice cloning, upang gayahin o likhain muli ang boses ng isang tao. Sa pamamagitan ng machine learning at deep learning, natututo ang mga sistema mula sa mga sample ng boses upang makabuo ng halos kaparehong pagsasalita.
Kaya nitong makopya ang boses ng iyong pamilya, katrabaho, tanyag na tao, presidente, at kahit ang boses ng yumaong tao; hangga’t may sample ng boses, walang imposible.
Nilikha pangunahin ang voice cloning upang tulungan ang mga indibidwal na nawalan ng kakayahang magsalita gamit ang natural-sounding synthesized replica ng kanilang sariling boses na mabawi ang kanilang voice identity. Maari din itong magamit ng mga bulag bilang kanang kamay nila sa pagbabasa ng teksto nang malakas. At higit sa lahat, ang pagsasalin ng isang basahin mula sa isang wika—sa iba’t ibang wika. Dahil dito, mas mapadadali ang mga gawain, at nabibigyang prayoridad ang mga nangangailangan, sabay sa mabilisang pag-unlad ng digital na mundo.
Bagama’t napakalaking tulong nito, hindi pa rin mawawala ang negatibong epekto nito sa kamay ng mga mapanlinlang. Isang babae sa Florida ang na-scam ng $15,000 (mahigit 857,000 libong piso) matapos makatanggap ng tawag na ginaya ang boses ng kanyang anak gamit ang voice cloning. Noong Hulyo 12, tinawagan si Sharon ng isang taong umiyak at nagpanggap bilang anak niyang si April, sinasabing siya ay naaresto dahil sa aksidente. Isang pekeng “abogado” rin ang humiling ng piyansang $15,000. Ayon kay Sharon, tiyak siyang boses ng anak ang narinig niya: “Alam ko ang sigaw ng aking anak.” Kaya’t naniwala siya agad.
Nagbabala na ang mga eksperto na habang lumalawak ang paggamit ng AI voice cloning, dapat ding lumawak ang ating pag-iingat. Karaniwan nakukuha ang mga sample ng boses sa social media, kung kaya’t pinapayuhang limitahan ang pag-popost na na kasama ang boses. Paigtingin ang seguridad sa iyong social media account, at kung maari ay i-set sa friends only o private ang account.
Payo pa nila, kung maaari ay gumawa ng ‘safe code’ o ‘secret code’ na tanging kayo-kayong magpamilya lang ang nakaalam. Sa paraang ito, matutukoy kung totoo ba ang tao sa likod ng bagong numero. Kung sakaling may tumawag, huwag kaagad magsalita, o hintaying itong matapos. Tanungin kung ang buong detalye tungkol sa kaniya, at suriin kung kilala mo nga ba ito, o isa ng mapanlinlang na tao sa likod ng boses.
Napakalaking tulong ng AI cloning sa atin, lalong lalo na sa mga may visual impairment at sa pagsasalin sa iba’t ibang wika. Ngunit sa likod ng maamong benepisyo ng kopyador na boses ay ang bitag ng mapagsamantalang mandurugas.