via Abigail Prieto, Pressroom Philippines
Araw ng Lunes. Maulan pero tuloy pa rin ang mga pasok–sa paaralan at trabaho. Kahit maaga akong gumayak at umalis ng bahay para hindi malate sa klase ay bumungad pa rin sakin ang punong terminal ng bus patungong Manila. Sa pagpunta ko sa likuran ng pila ay binibilang ko na ang dami ng hassle na kahaharapin ko bago pa man tuluyang makatuntong sa paaralan.
Tatlong oras na byahe mula Bulacan hanggang Manila. Dalawang oras do’n ay igugugol sa matinding trapiko. Ito ang realidad ng karamihan; ng mga nakikipagsapalaran sa lungsod para sa pangarap at kabuhayan. Bakas ang pagod sa mga malamlam na mata ng mga estudyanteng nakakatulog kaagad sa oras na makaupo sa bus. Kanya-kanyang bitbit ng malalaking bag ang mga magtatrabaho dahil isang linggo na namang lalayo sa probinsya para kumayod, para may maipangtustos sa pag-aaral ng mga anak, para walang sikmurang kumalam.
Hindi naman espesyal ang Manila. Maingay at magulo rito, malayong-malayo sa payapang probinsya. Ang importanteng kaibahan lang, narito ang pera’t oportunidad. Lamang ito pagdating sa usapin ng bilang ng trabahong nagbibigay kabuhayan sa mga Pilipinong mula pa sa ibang lugar. Hindi naman ‘to dream destination ng karamihan kaya’t nagsisiksikan ang mga tao rito. Napipilitan lang silang sumabak sa marahas na lungsod at makipagpatintero sa mga sasakyang pumupuno sa nanlilimahid na kalsada nito para may maipangdelihensya sa pangangailangan ng pamilya.
Ayon sa 2020 Census of Population and Housing, umabot na sa 1,846,513 katao ang populasyon ng Manila, 14% ng kabuuang populasyon ng National Capital Region (NCR). Tumaas ito ng 66,365 kung ikukumpara sa nakaraang census noong 2015. Hindi maikakailang malaking rason nito ang kakulangan sa trabaho’t oportunidad sa ibang lugar. Dagdag pa ang mababang kita sa agrikultura at iba pang rural na sektor kumpara sa sweldo sa lungsod. Limitado rin sa kanila ang akses sa de-kalidad na edukasyon, ospital, at iba pang pangunahing serbisyo.
Hindi ugat kundi sintomas ng mas malalim na problema ang patuloy na pagdagsa ng mga tao sa Maynila—ang kakulangan ng de-kalidad na trabaho, serbisyong panlipunan, at oportunidad sa labas ng urban na sentro. Kung nabibigyang-tugon ng mga rehiyon ang pangunahing pangangailangan ng kanilang mamamayan, hindi na nila kailangang makipagsiksikan sa lungsod para lang mabuhay.
Para bang sa Manila naipon ang samu’t saring problema ng bansa. Mula sa trapik, kawalan ng disenteng tirahan, hanggang sa kakulangan sa serbisyo. Isa itong malinaw na salamin ng mga sistemang matagal nang sira, pero pilit tinatapalan ng gobyerno gamit ang paulit-ulit na pangakong walang laman.
Kita ito sa mga hapong katawan sa pagkagat ng gabi, sa kanilang mabibilis at mabibigat na yapak, sa kanilang mga diskarte para makasakay kaagad ng pampublikong sasakyan makauwi lang sa kanilang tahanan, at sa dagdag na oras ng byahe dulot ng mabigat na trapiko. Kita ito sa mga marurungis na batang nanghihingi ng barya pantawid gutom, sa mga batang napilitang magbanat ng buto imbis na mag-aral.
Nasa balikat tuloy ng mga ordinaryong Pilipino ang bigat ng kakulangan sa sistemang patuloy na ipinagsasawalang-bahala ng gobyerno. Lumalabas, wala silang dahilan para ayusin ito lalo’t hindi sila apektado. At kung iisipin, hindi na nila kailangang maghain ng solusyon dahil ito mismo ang pinagmumulan ng kanilang kapangyarihan. Nakatayo sila sa tuktok ng mga problemang sistematikong ipinapapasan sa karaniwang mamamayan, at ipinapasa sa kanila ang responsibilidad na humanap ng paraan para lutasin ito.
Kung tunay na maglilingkod ang mga niluklok natin sa kapangyarihan, hindi na kailangan ng 200 pisong umente sa sahod, hindi na masasayang ang 127 oras na binubuno ng mga commuter sa traffic kada taon, at higit lalong hindi na kailangang makipagsiksikan pa ng marami sa magulong espasyo ng lungsod. Wala na ring kailangan pang umahon pa mula sa imburnal at manirahan dito.
Hindi masama ang ₱200 umento sa sahod dahil para sa marami, malaking tulong na ito sa araw-araw. Pero kung ito lang ang solusyon, panandalian lang ang ginhawa. Hindi sapat ang dagdag-sahod kung kulang pa rin ang trabaho, hindi maayos ang biyahe, at walang serbisyong panlipunan sa mga probinsya. Kailangan ng mas malalim at pangmatagalang tugon sa mga ugat ng kahirapan.
Hindi sapat ang mga panandaliang solusyon. Kailangan ng matibay na plano mula sa gobyerno at paunlarin ang mga imprastruktura sa bawat rehiyon at lumikha ng trabaho sa labas ng NCR, at tiyaking may access ang lahat sa de-kalidad na edukasyon. Ang tunay na solusyon ay hindi lang nakatuon sa lungsod, kundi sa pag-angat ng buong bansa nang pantay at sabay-sabay.
Kung tutugunan ng gobyerno ang problema sa istruktura ng lipunan, gagaan na ang mabigat na pasanin ng mga Pilipino hanggang sa tuluyan na ‘tong mawala’t makaranas na sila ng tunay na kaginhawaan.