Ang Pilipinas ay tahanan ng tinatayang 182 hanggang 186 na buhay na wika, isa sa mga pinakamayamang multilingguwal na bansa sa buong mundo. Ngunit sa kabila ng yaman ng ating lingguwistikong pagkakakilanlan, ang Ingles ang nananatiling hari—ang tanging wika na kinikilalang may bisa sa edukasyon, negosyo, at maging sa pagkatao ng isang tao.
Sa halip na pagyamanin ang sariling wika, naging batayan ng katalinuhan at kakayahan ang pagsasalita ng Ingles. Kapag mahusay kang mag-Ingles, agad kang tinuturing na "matalino," "edukado," at "sosyal." Ngunit kung ikaw ay mas bihasa sa Filipino o katutubong wika, itinuturing kang mas nakabababa.
Ayon sa ulat ng JobStreet Philippines, 75% ng mga employer ang hindi tumatanggap ng aplikanteng mahina sa Ingles, at 97% sa kanila ang naniniwalang mas produktibo ang mga empleyadong mahusay dito. Ito ay patunay ng sistematikong diskriminasyon, isang anyo ng kolonyal na pag-iisip na hanggang ngayon ay namamayani.
Ang masaklap, kahit sa mga may mababaw lamang na kasanayan sa Ingles ay umaani ng sobra-sobrang papuri. Isang estudyanteng may mali-maling grammar, basta may accent, ay tinuturing na magaling, habang ang mas matalino pero mas bihasa sa Filipino ay di binibigyang pansin. Mas pinipintasan pa ang hindi marunong mag-Ingles kaysa sa mga hindi marunong gumamit ng tamang Filipino. Ito ay isang kahindik-hindik na kabalintunaan.
Ito ay malinaw na anyo ng panghahamak sa sariling pagkakakilanlan. Ang mga Pilipinong lumaki sa kanayunan, na walang akses sa Ingles bilang pangunahing wika, ay sistematikong tinatanggalan ng oportunidad. Ang kanilang talino at galing ay hindi nabibigyang saysay sa sistemang mas pinahahalagahan ang pormang banyaga kaysa nilalamang makabayan.
Hindi ito problema ng kakayahan, kundi ng pananaw. Sa mga paaralan, madalas pinapahiya ang mga estudyanteng mas kumportable sa Filipino o katutubong wika. Habang ang mga gumagamit ng “conyo” o Ingles ay pinupuri, inilalagay sa entablado, at tinutularan. Ang sistema ay pumipili hindi ng matalino, kundi ng mukhang banyaga.
Upang tugunan ito, ipinatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) noong 2012. Layunin nitong gamitin ang unang wika ng bata mula Kindergarten hanggang Ikatlong Baitang upang patibayin ang pundasyon ng pagkatuto. Subalit sa kabila ng magandang layunin, marami pa rin ang hindi sumusunod; dahil mas pinaniniwalaan pa rin ang Ingles kaysa sa sariling wika.
Ayon sa Early Grade Reading Assessment (EGRA) noong 2019, ang mother tongue ay ginagamit sa 80% ng oras sa mga asignaturang nakatalaga rito. Ngunit sa mga asignaturang ginagamitan ng Filipino at Ingles, bumababa ito sa 20–30%. Ibig sabihin, umiiral nga ang patakaran ngunit kulang sa suporta at kumpiyansa mula sa mismong mga guro, magulang, at opisyal.
Marami pa ring magulang ang tumatangging turuan ng sariling wika ang kanilang anak. “Huwag mong turuang mag-Bisaya, baka mahirapan sa eskwela,” ika nga ng ilan. Para bang kahihiyan ang maging katutubo, at karangalan ang maging mukhang banyaga. Ang ganitong pananaw ay hindi lamang maling pagtingin sa wika—ito’y pagtalikod sa pagka-Pilipino.
Taliwas dito, pinatunayan ng UNESCO na ang unang wika ay pinakamabisang kasangkapan sa maagang edukasyon. Sa halip na hadlang, ito ang tulay sa pagkatuto ng iba pang wika, kabilang ang Ingles. Ang karunungang bumasa't sumulat, pang-unawang kritikal, at lohikal na pag-iisip ay mas nahuhubog sa wikang malapit sa puso at kaisipan ng bata.
Ngunit sa kabila ng mga pag-aaral, ang midya at mga institusyong Pilipino ay patuloy na tumitingala sa wikang Ingles bilang tanda ng dunong at dangal. Ang mga katutubong wika ay ginagamit sa katatawanan, sa mga eksenang “jologs,” at halos walang puwang sa seryosong diskurso. Isa itong cultural erasure, marahan ngunit malalim ang pinsala.
Ang Ingles ay mahalaga, at walang masama sa pagkatuto nito. Ngunit kung ito na lamang ang kinikilalang wika ng tagumpay, nagkakamali tayo ng direksiyon. Hindi natin kailangang isuko ang ating sariling wika upang makipagsabayan sa mundo.
Ang tunay na edukado at makabayang Pilipino ay yaong kayang ipaglaban ang karapatan ng sariling wika, habang may kakayahang gamitin ang wikang banyaga kung kinakailangan. Hindi dapat sukatin ang talino ng Pilipino sa dami ng wikang banyagang alam niya, kundi sa lalim ng kanyang pag-unawa at paggalang sa sarili niyang wika. Hangga’t binibigyang puri ang peke at pinapabayaan ang totoo, mananatili tayong dayuhan sa ating sariling bayan.