𝘃𝗶𝗮 𝗡𝗶𝗰𝗸 𝗘𝗱𝗿𝗶𝗲𝗹 𝗔. 𝗠𝗲𝗿𝗰𝗮𝗱𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Hawak pa rin ba ng tao ang manipulasyon sa teknolohiya—o ang teknolohiya na ang may kontrol sa mga tao?
Habang tumatagal, dumarami rin ang nagagawa at nagagamit na iba’t ibang uri ng teknolohiya—teknolohiyang pang-medikal, agrikultura, edukasyon, at marami pang iba. Nariyan din ang iba’t ibang social media platforms at cellphone applications gaya ng Waze, Netflix, TikTok, atbp. Ngunit sa halos araw-araw na paggamit ng mga tao sa mga ito, tila unti-unting nagbabago at napapalitan na ang kamay ng mga tunay at nararapat na nagmamanipula. Tao ba ang may kontrol sa teknolohiya—o teknolohiya na sa tao?
Sa araw-araw, aminin man o hindi, gumagamit tayo ng teknolohiya—simple man o malalaki. Cellphone, Artificial Intelligence (AI), laptop, at iba pa—mga karaniwang anyo ng teknolohiya na halos lahat ay mayroon. Napakadali na ng lahat: makipag-usap sa mga mahal sa buhay, tingnan ang direksyon ng pupuntahan, alamin kung paano gawin ang kung ano-anong bagay, at marami pa. Malaking tulong ito sa pagpapadali ng ating mga trabaho.
Ayon sa isang pag-aaral ng Penn State University, 77% ng mga tao sa lipunan ang umaasa sa teknolohiya upang magawa ang kanilang mga layunin. Ang mga digital tools tulad ng smartphone, social media, at iba pang online applications ay nakatutulong upang mapabilis ang mga gawain sa araw-araw.
Batay sa isang survey ng Pew Research Center noong 2021, tinatayang 97% ng mga kabataan sa US ay may access sa internet, at 85% sa kanila ay gumagamit ng social media platforms tulad ng Facebook, Instagram, at TikTok. Sa ganitong kataas na porsyento, tiyak na naging bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang mga teknolohiya.
Ayon naman sa World Economic Forum (2021), tinatayang 85 milyong trabaho sa buong mundo ang maaaring mawala sa susunod na limang taon dahil sa pag-usbong ng artificial intelligence (AI) at automation. Habang ang AI ay nagbibigay ng mga benepisyo tulad ng pagpapabilis ng mga proseso at pagtulong sa mas komplikadong gawain, may mga seryosong usapin tungkol sa epekto nito sa mga manggagawa. Kung ang mga AI na ang magiging responsable sa paggawa ng mga desisyon, paano na ang mga trabaho ng mga tao? Ang mga industriya ng paggawa at customer service ay ilan sa mga sektor na lubos na maaapektuhan.
Gayunpaman, hindi maikakaila na ang teknolohiya, tulad ng mga social media platforms, ay nagiging sanhi rin ng mga pagbabago sa ating kaisipan, damdamin, at matinding impluwensiya.
Ayon sa isang pag-aaral ng American Psychological Association (APA), ang sobrang paggamit ng social media ay may kaugnayan sa pagtaas ng mga sintomas ng anxiety at depression sa mga kabataan.
Mas tumataas din ang oras na ginugugol ng mga tao sa paggamit ng cellphone sa araw-araw. Sa isang global report ng Nielsen noong 2020, napag-alaman na ang average na oras na ginugugol ng mga tao sa kanilang mobile phones ay umaabot na sa 4 na oras kada araw. Mayroon ding iba na nagpupuyat pa hanggang madaling araw kakapanood ng mga video sa TikTok o iba pang social media platforms.
Sa kabila nito, may mga positibong aspeto pa rin ang teknolohiya na kapaki-pakinabang sa ating buhay. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga makabagong teknolohiya ay may malaking papel sa pagpapabuti ng medikal na larangan. Halimbawa, ang telemedicine—o ang paggamit ng internet para sa konsultasyong medikal—ay naging mahalagang bahagi ng healthcare system lalo na noong panahon ng COVID-19. Sa isang survey ng McKinsey (2021), 80% ng mga healthcare providers sa US ang nagsabing gumagamit sila ng telemedicine upang makapagbigay ng serbisyong medikal sa kabila ng mga lockdown.
Dahil dito, ang tanong na “Tao sa Teknolohiya, o Teknolohiya sa mga Tao?” ay patuloy na nagbibigay ng hamon sa atin. Ayon kay Sherry Turkle, isang propesor sa Massachusetts Institute of Technology (MIT) at eksperto sa human-technology interaction, sa kanyang aklat na Alone Together (2011), binanggit niya na ang mga digital devices ay hindi lamang kasangkapan sa komunikasyon, kundi isa ring paraan ng pagtakas mula sa ating mga personal na ugnayan sa ibang tao.
Sa isang pag-aaral ng Pew Research Center (2020), 60% ng mga kabataan ang nagsabing sila ay madalas nakararanas ng pag-iisa o loneliness kahit sila ay konektado sa social media. Kaya’t hindi lamang ang mga benepisyo ng teknolohiya ang dapat pagtuunan ng pansin, kundi pati na rin ang mga epekto nito sa ating kaisipan at emosyonal na kalagayan.
Tunay ngang unti-unti na tayong umaasa sa tulong ng iba’t ibang teknolohiya. Sa tanong kung sino ang tunay na kontrolado, ang sagot ay: depende. Depende kung ang tunay na may hawak ng kapangyarihang magmanipula ay nagpapadala na sa adiksyon ng kontrol.