via Patricia Fortuno, Pressroom PH
Simula nang sumikat ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) parang nagbago na rin ang tingin ng ibang tao sa talino. Kapag masiyadong maganda at maayos ang gawa mo, pagdududahan ka. Kapag walang mali, hindi ka na ang gumawa, AI raw. Parang noon lang, pinupuri pa ang mga effort, ngayon, inaakusahan na.
Nakakalungkot isipin na imbis mapalakas ang loob ng mga mag-aaral na totoong nagsusumikap, sila pa ang pinanghihinaan dahil sa mga akusasyong wala namang basehan. Ngayon, hindi na tanong kung pinaghirapan mo ba, kundi kung ikaw ba talaga ang totoong gumawa, at sa pagkakataong ipagtanggol mo ang iyong sarili, ang dating nito sakanila ay, guilty ka, galit ka, at totoo ang pinaparatang nila sa‘yo, dahil lamang nag-ingay ka.
Ang mas masakit pa, madalas, mismong mga guro, o kapwa estudyante pa ang unang nagdududa. Hindi na importante ang pagod at hirap sa likod ng gawa,
ang tinitignan na lang ay masiyado itong maganda para magawa ng isang katulad mo. Napaka unfair. Imbis na puri ang matanggap, puro na panghuhusga, puro na pangmamaliit. Hindi na, "Ang galing mo naman!", kundi "Ikaw ba talaga ang gumawa nito?". Isang sistemang puno ng duda at pangmamaliit na unti-unting kumikitil sa kumpiyansa ng mga estudyanteng may tunay na potensyal. Ang galing ay hindi palaging nakikita sa pagkakamali, kundi sa paraan ng paggawa ng isang makabuluhang bagay.
May mga tao naman talagang gumagamit ng AI para lang mapadali ang trabaho. Hindi maiiwasan iyan. Pero dahil sa kanila, nadadamay ang mga taong may puso at purong intensyon sa paggawa. ‘Yung pinaghihirapan nang totoo, ‘yung nilagyan ng damdamin, biglang mababansagan ng "Ay, AI lang ‘to!" Isang salita, na kayang mabura ang paghihirap ng isang tao.
Hindi lahat ng magaling ay gawa ng makina, at hindi rin lahat ng gumagamit ng AI ay tamad. Ngunit kung patuloy tayong magpapadala sa panghuhusga, walang saysay ang pagsisikap ng mga taong totoo ang intensyon at pinaghirapan ang mga ito. Hindi problema ang talino, ang problema ay paniniwalang may limitasyon kung hanggang saan lang dapat ang kayang gawin ng isang tao.
Kaya bago tayo mag-akusa, matuto tayong kumilala. Dahil minsan, ang pinaka-"AI-looking" ay gawa pala ng estudyanteng naniniwala pa rin sa sariling talino.