Tuwing bumubulong ang hangin at ang langit ay unti-unting nagdidilim, kumakabog na naman ang dibdib ni Juan.
Si Juan ay ang karaniwang Pilipino. Nakatira sa barong-barong na yari sa yero at kahoy, sa gilid ng isang estero sa lungsod. Hindi dahil gusto niya, kundi dahil ‘yun lang ang kaya. Sa bawat patak ng ulan, kasabay niyang binibilang kung ilang palanggana ng tubig ang aagos sa kanyang sala. Ilang gamit ang mababasa. Ilang gabing wala na namang tulog.
At sa tuwing may bagyo, sigurado na, darating ang ayuda. Bigas. De lata. Minsan may kumot. Minsan wala. Tapos tapik sa balikat, kunwaring awa, at litrato para sa press release. Ganoon lagi. Ganoon na lang.
Kailan ba titigil ang ganitong patakaran?
Hindi natin sinasabing masama ang pagtulong. Ang relief goods ay kailangang-kailangan, lalo na sa oras ng sakuna. Pero hanggang kailan puro ganito? Hanggang kailan ang kaligtasan ni Juan ay nakadepende sa delatang may tatak ng isang politiko?
Ang kailangan natin ay permanenteng solusyon, hindi paulit-ulit na pagtapal. Ang bawat ayuda ay palatandaan ng kabiguan ng sistemang hindi nakapagplano. Hindi sapat ang kahon ng sardinas kung taon-taon pa ring lumulubog ang bahay ni Juan.
Noong 2024, tumama ang Super Typhoon Pepito sa Pilipinas. Ayon sa datos ng CARE.org, ito na ang ika-anim na bagyo sa loob ng isang buwan. Mahigit 10 milyong tao ang naapektuhan, libo-libong pamilya ang nawalan ng tirahan, at tinatayang ₱470 milyon ang pinsala sa mga tahanan, agrikultura, at imprastruktura.
Kung may sapat na drainage system, kung naayos ang urban planning, kung may disiplina sa pagtatapon ng basura, kung pinangangalagaan ang mga kagubatan at ilog, baka hindi na natin kailangan ng napakaraming relief goods. Baka si Juan ay nakakapanatag na ng tulog, kahit may unos.
Sa halip na milyun-milyong pondo para sa poster-size na larawan ng mga nagpapamigay ng ayuda, bakit hindi gamitin ang pondo sa proyektong pangkalikasan? Magtanim ng puno. I-rehabilitate ang ilog. Gumawa ng maayos at pangmatagalang flood control system.
Hindi na bago ang bagyo sa ating bayan. Taon-taon na lang. Ngunit ang pagkilos para maiwasan ang sakuna? ‘Yan ang tila laging huli.
Panahon na para makinig ang mga namumuno. Panahon na para ang ayuda ay hindi na maging “pangmatagalan.” Hindi pwedeng ‘yan na lang ang laging sagot. Si Juan ay hindi lang taga-tanggap ng tulong. Isa siyang mamamayan na may karapatang mabuhay nang ligtas, tuyo, at payapa, kahit umuulan.
Sapat na ang pagdurusa. Panahon na para sa pagbabago.
Permanenteng solusyon, hindi puro tapal.