via Alleya Krisha Naveros
Sa bawat laro na ginaganap sa bansa, laging may mga mata na nagmamasid. Ngunit sa likod ng mga ito, maraming tinig ang tila nawawala at hindi naririnig.
Sa paaralan, kitang-kita ang malinaw na pagkakaiba sa pagtanggap at suporta sa mga manlalaro at sa mga nagsisikap maghatid ng balita. Mas pinapansin ang mga atleta, habang ang mahahalagang kwento at katotohanan ay madalas naipagwawalang-bahala. Pareho silang mahalaga, pero iba ang timpla ng pansin na natatanggap.
Sapat ang tulong na naibibigay sa mga manlalaro pagdating sa gamit, guro, at pagsasanay. Binibigyang-pansin at tinutukan ang kanilang pag-unlad upang lumakas at magtagumpay. Samantala, ang mga mamamahayag ay madalas na walang sapat na suporta, kaya’t nahihirapan silang maiparating nang buong husay ang mahahalagang kwento.
Mas maraming pagkakataon. Sa kabilang banda, ang mga mamamahayag ay kadalasang hindi nabibigyan ng parehong pagkakataon upang mapaunlad ang kanilang galing at maipakita ang kanilang gawain sa mas maraming tao.
Mas tinatangkilik at pinapansin ang mga palaro dahil ito ay nagbibigay saya at aliw sa mga estudyante at guro. Kaya mas maraming papuri at suporta ang napupunta dito kumpara sa mga kwentong puno ng katotohanan na layuning magbigay-aral at magmulat ng isipan.
Kapag hindi nabibigyan ng sapat na pansin ang mga kwento at balita sa paaralan, nawawala ang boses ng maraming estudyante tungkol sa mga mahahalagang usapin na nakakaapekto sa kanila. Dahil dito, mahina ang pagkilos at pagbabago sa loob ng paaralan at komunidad.
Sabi ng iba, likas lang na mas maraming palakpakan para sa laro dahil aliw ito at nagbibigay sigla sa paaralan. Ngunit hindi ito dapat dahilan para pabayaan ang mga kwentong dapat marinig at bigyang halaga dahil mahalaga ang papel nito sa paghubog ng isip at pagkilos ng kabataan.
Kung di ka atleta, huwag kang umasa — iyan na nga ba ang patakaran sa paaralan? Kapag hindi ka bahagi ng palakpakan, tila ba wala kang karapatang mapakinggan. Hindi mali ang magbigay ng suporta sa laro, pero mali kung sa prosesong ito'y may ibang nasasakripisyo. Ang kwento, katotohanan, at tinig ng kabataan ay hindi larong dapat isantabi — ito’y sandata sa kamalayan, sa pagkilos, at sa pagbabago ng lipunan.