via Alleya Krisha Naveros, Pressroom PH
Kahit gising ang mata, kung utak ay pagod na, walang saysay ang bawat sandali sa loob ng silid-aralan. Sa bawat estudyanteng nagpupuyat, paulit-ulit ang laban sa antok at bigat ng gawain—sila ang mga mandirigmang pilit sinusubukang gisingin ng isang sistemang palpak. Hindi man sila ang may gawa ng pahirap, sila ang nagdaranas ng bunga nito sa bawat araw ng kanilang pagsisikap.
Sa panahong ang edukasyon ay sinasabing susi sa pag-angat, bakit tila ito na rin ang nagpapabigat? Hindi tamad ang mga estudyanteng pikit ang mata sa silid-aralan, sila’y biktima ng kakulangan sa tulog, pahinga at panahon.
Sa bahay pa lamang, may tungkulin na agad.Tagalinis ng sahig, taga-alaga ng kapatid, tagapagluto ng ulam..Bago pa man makapagsaulo ng aralin, pagod na sa gawaing inuuna kaysa sariling panaginip.
May mga mag-aaral na kailangan pang maghanapbuhay. Naglalako sa kalsada, tumutulong sa tindahan, umaalalay sa sakahan. Sa gitna ng ingay at alikabok ng lansangan,bitbit ang lapis at pangarap na di kailanman bibitawan.
Hindi lang katawan ang pagod, pati na rin ang isipan. Sabay-sabay na pagsusulit, tambak na proyekto, mahigpit na pasahan. Sa bawat araw ng karera sa mga takdang-aralin, tila tulog na lang ang tanging pahingang mailalaban.
Sa loob ng silid, kulang ang pang-unawa. Walang lugar ang paghinga, walang konsiderasyon sa kabuuan. Naging paligsahan ang edukasyon, hindi na pagkatuto, kung saan dami ng papel ang siyang batayan ng pagkatao.
"Disiplina lang ang kulang" — madalas naming marinig. Parang ang pagkukulang ay laging sa amin isinisiksik. Ngunit paano ka magiging disiplinado kung kulang sa tulog? At paano ka sisipagin kung bawat araw ay tila kalbaryo ng pagod?
Hindi kami humihiling ng espesyal na trato. Ang hinihiling lamang ay kaunting pang-unawa at pagbawas ng pasanin. Kung tunay na layunin ng edukasyon ay paghubog, bakit tila kami'y pinapasan ng pabigat imbes na gabay sa pag-unlad?
Panahon nang kilalanin ang aming sakripisyo at pagod. Ang mag-aaral ay hindi makina na laging handang gumalaw. Ang kailangan ay pahinga, suporta, at sistemang makatao. Dahil sa bawat estudyanteng pilit bumabangon kahit kulang sa tulog,naroon ang sigasig na pinapatay ng labis na takdang-gawain.
Kung ayaw niyong mapundi ang aming pangarap, huwag nang gawing pahirap ang aming pagsisikap.