via Niña Kyle Baldano, Pressroom PH
"Pahinga? Baka bukas. May quiz pa kasi bukas. May essay pa. May PowerPoint pa. May pangarap pa.”
Ilang beses mo nang sinubukang ipikit ang mga mata, pero hindi mo magawa. Hindi dahil hindi ka inaantok, kundi dahil hindi ka pwedeng matulog—hindi pa tapos ang gawain. Hindi pa sapat. Hindi pa puwede. Ayaw mong mapagalitan. Ayaw mong mapag-iwanan. Ayaw mong bumagsak. Ayaw mong tawaging pabaya.
Pero sa bawat “kaya pa,” may katawan kang napapagod at isipang humihikbi sa katahimikan. Sa bawat “kaya ko ‘to,” may puso kang nangangapa, naghahanap ng pahinga, kahit sandali lang.
Hindi nila alam.
Hindi alam ng mundo kung ilang beses mong pinilit ngumiti sa klase kahit parang mabigat na ang dibdib mo. Ilang beses mong tinakpan ng "okay lang ako," ang katotohanang hindi mo na kaya. Ilang beses mong tinanggap ang trabaho sa group project kahit gusto mo na lang humiga at umiyak. Ilang beses mong binura ang mensaheng: “Ma’am, pwede po bang extension?” dahil natakot kang masabihang tamad, mahina, o nag-iinarte lang.
Ang hirap magsabi ng totoo kapag ang katotohanan mo ay hindi pasok sa standards ng mga taong inaasahan mong umunawa.
Pero hindi ka tamad.
Napagod ka lang. Napagod kang magpakatatag sa panahong bawal kang mapagod. Napagod kang maging perpekto, sa mundong ang tanging sukatan ng halaga ay kung gaano ka ka-produktibo. Napagod ka sa mga katungkulang hindi mo pinili: lider ng grupo, tagagawa ng script, taga-edit ng PowerPoint, taga-salo ng lahat na hindi kaya ng iba.
Nakakabingi ang katahimikan sa mga gabi ng paggawa ng modules, habang may luha kang pinupunasan. ‘Yong tipong gusto mo nang sumuko pero bigla mong maririnig ang tinig ng magulang mong umaasa. Gusto mong huminto pero naiisip mong may scholarship kang iniingatan. Gusto mong matulog, pero may PowerPoint ka pang i-eexport.
Nakababaliw ang pressure. Nakasasakal ang expectations. At minsan, sa sobrang bigat, hindi mo na maalala kung para saan mo ba ito ginagawa.
Para ba sa sarili mo?
Para ba sa pamilya mo?
Para sa reputasyong kailangan mong panatilihin?
O para sa sistemang sinanay kang magpakasakit bago ka kilalanin?
Sino ka nga ba kapag wala kang medalya? Kapag hindi ka top 1? Kapag may mali ka sa recitation?
Sino ka kapag wala kang ngiti pero kailangan mo pa ring ngumiti?
Kapag wala kang sagot sa tanong ni Ma’am pero pilit kang tumatayo?
Hindi ka bobo. Hindi mo lang naipasa ang deadline kasi hindi na kinaya ng katawan mo. Hindi mo lang nasagutan ang exam, kasi nanginginig na ang kamay mo sa pagod. Hindi ka lang nakapag-aral kasi ilang araw ka nang umiiyak sa mga bagay na hindi mo masabi kahit kanino.
Minsan, kahit gusto mong magpahinga, hindi mo alam kung paano. Kasi natatakot kang baka sa pagtigil mo, maiiwan ka. Baka mawalan ka ng distinksyon. Baka mapansin ng iba na hindi ka pala laging matalino. Baka ma-disappoint mo ang mga umaasa sa’yo.
Sana maintindihan ng mga guro, ng mga magulang, ng mundo—na ang kabataan ngayon, hindi lang basta estudyante. Therapist sa sarili, provider ng pangarap, alalay ng pangarap ng iba, tagatanggap ng pressure, na minsan ay hindi naman nila hinihingi.
Sana tanungin din kami kung kumain na ba kami. Kung natulog ba kami kagabi. Kung masaya pa ba kami.
Sana matutong makinig ang sistema sa sigaw na hindi binibigkas. Sa luha na hindi pinapakita. Sa pagod na hindi na maitatago.
Hindi kami robots. Hindi kami machines. Hindi kami project-producing creatures na kayang mag-output ng perpekto, araw-araw, habang tahimik na nababasag sa loob.
Hindi mo kailangang mamatay para lang makapasa. Hindi mo kailangang i-sacrifice ang sarili mo para lang sa isang A+. Hindi mo kailangang mawala para lang mapansin. Hindi mo kailangang laging magpakatatag para lang masabing karapat-dapat kang hangaan.
Kaya kung pagod ka—hindi ka mahina. Isa kang bayani. Isang mandirigmang hindi lang lumalaban para sa grado, kundi para mabuhay pa bukas.
At kung wala pang nagsasabi sa’yo nito, ako na ang mauuna: Ang galing mo. Ang tapang mo. At karapat-dapat kang magpahinga. Huwag mong hayaan na ang pangarap mong maging matagumpay, ay maging dahilan para mawala ka sa sarili mong kwento.
At sa susunod na may magsabing “Laban lang,”
Sabihin mo rin:
“Oo, lalaban ako. Pero sa pagkakataong ito… may pahinga.”