𝘃𝗶𝗮 𝗝𝗮𝗺𝗮𝗶𝗰𝗮 𝗖𝗮𝗯𝗶𝗹𝗶𝘀, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Nagbabala ang grupo ng mga pharmacists kaugnay ng proposal na pahintulutan ang mga sari-sari store na magbenta ng mga over-the-counter (OTC) na gamot.
Ayon kay Leonila Ocampo, miyembro ng konseho ng mga tagapayo ng Philippine Pharmacists Association, dapat munang magkaroon ng lisensiya ang mga sari-sari store upang maging retail outlet para sa mga non-prescription drugs bago payagang magbenta ng mga OTC na gamot.
“I’d like to start with the word ‘bawal.’ Gusto kong i-clarify ‘yung word na bawal. Bawal siyang magbenta ng over-the-counter kung walang lisensiya. Kung walang lisensiya, ibig sabihin hindi sila mare-regulate sa proper handling, proper storage, at proper use ng medicine kahit sabihin natin na over-the-counter ‘yan,” saad ni Ocampo sa panayam ng DZMM.
Ipinaliwanag pa niya na ang mga sari-sari store na may lisensiya bilang retail outlet para sa non-prescription drugs ay dapat pamahalaan ng isang pharmaceutical company. Sasailalim din sa tamang pagsasanay ang mga nagtitinda tungkol sa wastong pagbebenta at paghawak ng mga gamot.
Dagdag pa niya, regular na bibisita ang isang licensed pharmacist sa mga retail outlet gaya ng convenience store at supermarket kada linggo. Kinakailangang manatili ang pharmacist sa tindahan nang hindi bababa sa dalawang oras upang masigurong maayos ang proseso ng pagbebenta.
Nagbabala rin si Ocampo sa mga panganib ng pagbebenta ng OTC na gamot nang walang pangangasiwa ng parmasyutiko. Aniya, mahalagang masiguro ang tamang storage at paghawak sa mga gamot.
“Kahit gaano kaganda ang gamot, kung mailalagay ito sa isang facility na hindi nai-store nang tama, walang kuwenta ang good manufacturing,” aniya.
Pinaalalahanan din niya ang mga botika na maaaring managot kung mapatunayang nagbebenta ng gamot sa mga sari-sari store para sa layunin ng reselling.