Via Liane Jazmine Saludo, Pressroom PH
Hindi agad nabubulok ang mga labi ng tao kung itinapon ito sa Taal Lake — dahil sa bumababang antas ng oxygen habang palalim nang palalim sa lawa. Kaugnay ng pagtuklas sa mga butong maaaring natira, iminungkahi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. ang paggamit ng mga underwater camera kaysa sa patuloy na pag-deploy ng mga maninisid.
Mas ligtas at episyente ang teknolohiyang ito, lalo’t nakayanan lamang ng mga maninisid ng Philippine Coast Guard (PCG) — na binubuo ng 60 eksperto — ang hanggang 100 metrong lalim.
Ayon sa World Lake Database, ang Taal Lake sa Batangas ang pinakamalalim na lawa sa Pilipinas na may lalim na umaabot sa 172 metro at may surface area na 234.2 kilometro kuwadrado. Bumababa ang oxygen level habang palalim sa lawa, dahilan upang bumagal ang pagkabulok ng mga labi.
Batay sa pag-aaral ni Wescott sa Forensic Science Research noong 2018, mas mabilis ang pagkabulok ng laman ng tao sa presensya ng oxygen. Kung ang mga labi ng nawawalang sabungero ay nasa mababaw na bahagi ng lawa, maaaring bulok na ang laman — ngunit nananatili pa rin ang mga buto.
“‘Yung buto, walang pakialam ang decomposition doon, ang laman ang nabubulok,” paliwanag ni Solidum. Iba ang proseso ng decomposition ng buto, na tinatawag na diagenesis. Ayon kay Funnell ng IFLScience noong 2024, bagamat nabubulok ang mga buto, ang prosesong ito ay maaaring tumagal mula ilang araw hanggang ilang libong taon. Ang diagenesis ay sumasaklaw sa microbial, kemikal, at mekanikal na pagbabago sa buto pagkatapos ng kamatayan.
Para sa mas malawak at epektibong paghahanap, humingi na ng tulong si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla sa Japan para sa lakebed mapping at iba pang teknolohiya. Sa panig naman ng DOST, sinabi ni Solidum na tinitingnan kung maaaring gamitin ang mga marine monitoring instruments ng ahensya para sa operasyon.
“May pandagat kaming instrumento na pinondohan ng DOST for marine monitoring para sa mga isda, mga corals, but we will have to find out kung ‘yung murky conditions ng Taal Lake kaya pa ng ibang camera na mayroon,” saad ni Solidum sa Saturday News Forum.
Ipinakita ng DOST ang kahandaan nitong tumulong sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga kagamitan at teknolohiyang maaaring magamit sa ilalim ng lawa.