𝘃𝗶𝗮 𝗬𝘂𝗿𝗶𝗶 𝗡𝗮𝘁𝗵𝗮𝗻𝗶𝗲𝗹 𝗦. 𝗠𝗮𝗴𝗮𝗽𝗮, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Sobra. Sumosobra. Sobrang taas. Sobrang sakim.
Naisip mo na ba kung ano ang tunay na kapalit ng pera kapag ito lang ang tumatatak sa kaisipan ng lahat?
Sa isang lungsod sa Pinas, bago pa man marinig ang “tiktilaok” ng manok at bago pa bumigat ang trapiko—may isang taong lumalabas ng kanilang bahay. Bitbit ay barya lamang, iniisip kung paano ipagkakasya ang pamasahe at ulam. Samantalang sa isang opisina ng kanilang lokal na gobyerno, may pipirma na naman ng proyektong tila’y hindi na naman iplinano nang mabuti—isang papel na humahalaga ng milyon, ngunit walang silbi sa kapakanan ng mamamayan nito.
Pamilyar ang eksenang ito, lalo na sa Pilipinas, na kung saan mahigit 60% ng mga pamilya ang nagsasabing sila’y mahirap. Hindi dahil walang pera ang bansa—meron. Umabot sa mahigit P2.1 trilyon ang remittances mula sa mga OFW bawat taon, at patuloy ang kita ng BPO industry. Pero bakit andaming mga Pilipino pa rin ang nagugutom? Dahil hindi pantay ang takbo ng pera. Hindi ito napupunta sa kung sino ang nangangailangan, ito’y iniipon ng iilan.
Isang malaking iskandalo ang sumabog noon: bilyong pondo para sa proyektong pang-komunidad ay nasayang dahil ito’y napunta sa mga pekeng NGO. Bilang kapalit, walang kalsadang naitayo, walang classroom na naipatayo. Pero ang pera, ang bilis mawala—napunta sa mga bangko, sa mamahaling bahay, kampanyang pampulitika. Lahat ng ito, habang ang mga mamamayan sa probinsya ay tumitiis sa maruming tubig at lumalakad ng ilang kilometro upang makakuha ng malinis na tubig at pagkain.
Tahimik ang kasakiman sa Pilipinas. Hindi ito laging linalantaran. Nakatago ito sa mga kontratang hindi binasa nang maigi, sa mga boto na binabayaran, sa mga palusot na isinaalang-alang na ng ating bansa sa kasalukuyang panahon. Habang ang mga mag-aaral ay umaaral sa ilalim ng puno, ang mga opisyal ng gobyerno ay nagpapalitan ng mga regalo, mas mahal pa sa isang buwang sweldo ng isang guro.
At ito ang tunay na epekto ng kasakiman; hindi lang ito nakawan. Isa itong mabagal, ngunit patuloy na pagguho ng dangal. Isang sistemang sinanay na tanggapin na may mga mayayaman at may mga mahihirap—at wala sila balak baguhin ang sistemang ‘to.
Ngunit, sa kabila ng mga pangyayari, mayroong ilaw ng kabutihan ang kumikinang. Noong kasagsagan ng pandemya, may naitayong mga community pantries, libreng sakay, tsaka mga ayuda galing sa lokal at pambansang gobyerno. Hindi man ito inutos o pinilit, ito’y isang kusang loob, galing sa puso, at isang paalala na hindi lahat ay alipin ng pera.
Ito ang tunay na kwento—hindi lang kung ano ang makikita natin sa mga headlines, pati na rin ang pang-araw-araw na pakikibaka ng mga Pilipino upang sumikap sa pamumuhay, kahit hindi man sila ang iniintindi ng sistema.
Kaya siguro, ang tanong ay hindi kung gaano karami ang perang mayroon ang ating bansa, pero kung anong uri ng lipunan ang ating ginagawa kapag ang pera na dapat pumupunta sa nangangailangan ay binubulsa ng mga iilan.